Ronoel
"Magandang umaga sa lahat!" bungad kong bati paglabas ng aking silid. Natakam ako sa amoy ng niluluto ni Mama mula sa kusina. "Ohh, Ronoel gising ka na pala. Maghain ka na ng plato at kakain na tayo," utos sa akin ni Mama pagpasok ko ng aming kusina. Kaagad naman akong kumuha ng plato at inilagay ito sa aming munting lamesa.
Simple lang ang aming buhay, nakakaraos naman kami sa araw-araw. Ang importante sa amin ay buo kaming pamilya. Ako, si Mama, Papa at Kuya. Araw ngayon ng linggo kung kaya naman wala akong pasok sa school. Third-year college na ako sa kursong HRM at ako ay scholar student. Ito ang kursong aking napili dahil hilig ko ang pagluluto. Well mahirap syempre sa umpisa, pero lahat naman ay napag-aaralan. Nagpa-part time job din ako sa isang coffee shop at isa akong kahera. Kaya naman sa umaga studyante ako, at sa gabi naman isa akong kahera. Syempre para makatulong na rin ako sa aking pamilya. Ang aking Mama ay labandera sa pamilya Montefalco, ang aking Papa ay tricycle driver, at ang aking Kuya ay isang construction worker. Hindi na nakapag-aral si Kuya dahil na rin sa hirap ng buhay. Kaya naman nagsusumikap ako para maiahon sila sa kahirapan na aming nararanasan.
" Tawagin mo na ang papa at kuya mo para sabay-sabay na tayong kakain," utos sa akin ni Mama. Kaya naman lumabas na ako sa kusina para tawagin sila Papa at Kuya na halatang busy sa kanilang ginagawa sa labas ng bahay. Si Papa na naglilinis ng kanyang tricycle, at si Kuya naman na nagpapanday ng upuan.
"Papa, Kuya kakain na po tayo ng almusal," tawag ko sa kanilang dalawa. Sabay naman silang napalingon at naglakad sila palapit sa akin. Sabay-sabay kaming pumasok ng bahay at dumiretso sa kusina.
"Wow! Ang bango ng sinangag, nakakagutom," sabi ni kuya na may paghimas pa ng kanyang tiyan.
"Halina kayo dito at maupo na, maaga tayo magsisimba ngayon at maaga mag-uumpisa ang misa," tawag sa kanila ni Mama. Ganito ang routine namin kada Linggo. Sabay-sabay kaming kumakain ng agahan at magsisimba, kumbaga Sunday is family day! Pagkatapos naming magdasal ay sabay-sabay na kaming kumain. Nang matapos na kami kumain ay agad ko namang niligpit ang aming pinagkainan. Ako na rin ang naghugas ng mga plato at mga ginamit ni Mama sa pagluluto. Nang mahugasan ko na lahat ay dumiretso na ako sa aking silid upang makaligo. Nagbihis na ako ng aking damit. Maong fitted pants at blouse na puti lamang ang aking suot, sa mukha ko naman ay pulbos, at liptint lang. Hindi naman kasi ako marunong sa pag make up na yan. Isang sulyap pa sa salamin at lumabas na ako sa aking silid. Naghihintay na si Mama sa aming munting sala, si Kuya at Papa naman ay nasa labas naghihintay sa amin. Sabay na kaming lumabas ni Mama at inilock na nito ang aming pinto. Sumakay na kami sa tricycle ni Papa, sa loob kami ni Mama, at si Kuya naman ang naka backride kay Papa. Pagdating namin sa simbahan ay agad kaming naghanap ng mauupuan. Medyo maaga ang dating namin kaya naman konti pa lang ang tao. Habang naghihintay sa misa ng pari ako naman ay taimtim na nagdasal,
"Lord, salamat po sa araw-araw na biyaya niyo po sa amin. Salamat po sa masayang pamilya na pinagkaloob mo po sa akin. Hiling ko po na humaba ang buhay nila Mama at Papa para makasama pa namin sila ni Kuya ng matagal. Hiling ko rin po na sana matupad ko ang aking mga pangarap. Amen!" agad akong nag sign of the cross pagkatapos kong magdasal. Pagdilat ko ng aking mga mata ay napalinga ako sa aking paligid. Marami na ang mga tao at magsisimula na ang misa.
Matapos ang misa ay sabay-sabay kaming lumabas nila Mama ng simbahan, bumili muna si Mama ng sampaguita para sa altar namin sa bahay. Dumiretso na kami sa tricycle upang makauwi na. Pagkarating sa bahay ay agad naman akong nagpalit ng damit at humiga sa aking papag upang magpahinga. Ipinikit ko ang aking mata hangga't sa ako ay hilahin na ng antok.
Tunog ng aking cellphone ang nagpagising sa akin. Agad naman akong bumangon at kinuha ang cellphone sa aking drawer. Tinignan ko sa screen kung sino ang tumatawag, pangalan ni Glodie ang nasa screen kaya naman agad ko itong sinagot.
" Bessshyyy! Tiling sagot ni Glodie. Agad kong inilayo ang cellphone sa aking tenga dahil sa lakas ng kanyang boses. Mababasag ang eardrum ko sa babaeng to eh. Tsk!
"Pwede ba Glodie 'wag ka namang sumigaw at baka mabasag ang eardrum ko sayo. Ano ba ang sasabihin mo?" tanong ko sa kanya ng nakakunot ang noo.
"Sorry na beshy. Anong oras ka ba kasi pupunta dito sa coffee shop? Di'ba nga ikaw papalit kay Richel kasi may sakit nanay niya?" tanong ni Glodie sa akin. Agad akong napatingin sa orasan. Natampal ko naman aking noo ng makita ko na mag ala-una na pala. Nakalimutan ko na may pasok ako ng alas tres ng hapon. Day off ko naman talaga ngayon kaso nakiusap sa akin si Richel kagabi na ako pumalit sa shift niya. Dahil walang mag-aalaga sa kanyang ina na may sakit.
"Anu beshy? Nakalimutan mo siguro na may pasok ka ngayon," sabi ni Glodie sa kabilang linya.
"Sige na ibaba ko na 'to. Mag-aayos na ako para hindi ako ma-late," agad kong saad sa kanya upang hindi na humaba ang pag-uusap namin. Pinatay ko na ang tawag at inilagay ang cellphone sa aking drawer. Kinuha ko ang aking tuwalya at dumiretso sa banyo, naligo ulit ako para naman fresh ang itsura ko pagpasok. Matapos kong maligo ay agad naman akong nagbihis ng aming uniform. Pants muna ang isinuot ko, sa locker na lang ako magpapalit ng blouse upang hindi magusot sa byahe. Humarap ako sa salamin habang nagsusuklay ng aking mahaba at tuwid na buhok, nagpulbo at nagliptint. Kinuha ko na ang bag ko na may lamang mga gamit ko at cellphone na nakalagay sa drawer. Paglabas ko ng aking silid ay naabutan ko dun si Mama sa sala na nakaupo habang nanunuod ng t.v. "May pasok ka pala? Kumain ka na muna ipinagtabi kita ng ulam. Hindi na kita ginising kanina para kumain kasi mahimbing ang tulog mo," sabi sa akin ni Mama habang palapit ako sa kanya.
"May sakit po kasi ang Nanay ni Richel kaya ako papalit sa shift niya. Okay na rin po yun para may dagdag sahod ako sayang din naman," sagot ko naman kay Mama. Dumiretso na ako sa kusina para kumain. Maaga pa naman kaya kakain muna ako. Tapos na akong kumain. Hinugasan ko muna yung plato na aking ginamit.
"Alis na po ako Ma!" Paalam ko kay Mama. "Sige Anak, mag-iingat ka," bilin naman niya sa akin. Hindi na ako magpapahatid kay Papa sa tricycle. Nang makalabas ng bahay ay naglakad na ako papuntang sakayan. Medyo mainit kaya kinuha ko ang payong sa aking bag at binuksan. Pagdating ko sa kanto ay may nakaparada ng jeep. Agad naman akong sumakay.
Pagkababa ko ay naglakad na ako diretso sa coffee shop na aking pinagtatrabahuhan. Napahinto pa ako ng makita ko si Bryson na nakaupo sa loob habang may kausap na lalaki. Napaka gwapo nito sa suot niyang navy blue suit. Graduating pa lang siya sa kurso nitong business administration ngunit sumasabak na siya sa mga business meetings ng kanilang kumpanya. Isa ito sa mga hinangaan ko sa kanya. Ang pagiging matalino niya bukod sa gwapo siya. Binuksan ko ang pinto ng coffee shop at iniwasan kong mapatingin sa gawi nila. Dumiretso ako sa locker at nagpalit ng blouse. Pinusod ko ang aking mahabang buhok at nilagyan ito ng hairnet. Sinuot ko na rin ang apron sa aking bewang bago tuluyang lumabas ng locker room.
"Uuwi ka na ba?" tanung ko kay Glodie habang nagbibilang siya ng pera.
"Beshy buti naman at dumating ka na. Alam mo ba kanina pa yan nandito si Bryson?" napakunot noo naman ako sa sinabi ni Glodie. "Baka naman kasi hindi pa sila tapos sa meeting nila," sabi ko naman sa kanya. "Hindi ko naman binibigyang kahulugan ang mga bagay na ganun kasi wala namang pag-asa na magustuhan niya ako. Sa dami ng magaganda at seksing babae na nakapaligid sa kanya," dagdag ko namang sabi sa kanya. Sabay sulyap sa gawi nila Bryson.
"Ewan ko sayo beshy. Malay mo lang naman na may gusto siya sayo di'ba? Hindi naman malabong mangyari yun kasi maganda ka naman at seksi. Kulang ka lang sa ayos," sabi niya pa sa akin. Napanguso naman ako sa huli niyang sinabi.
Matapos magbilang ng pera ay pinasa na niya sa akin ang kaha. Sakto alas tres ay naka duty na ako. Pansin ko naman ang pagsulyap ni Bryson sa pwesto ko kaya medyo nailang ako. Nagpaalam na sa akin si Glodie na siya ay uuwi na. Kumaway ako sa kanya bago pa siya makalabas sa coffee shop.Napansin ko naman ang pagtayo ni Bryson sa kanyang upuan at naglakad papunta sa akin. Nataranta ako at bumilis ang tibok ng puso ko.
"Ronoel, right?" sambit niya sa pangalan ko. Napaangat ako ng tingin sa kanya at kita ko ang pagtitig niya sa akin.
"Y-es S-ir?" nauutal kong sagot sa kanya. Sheyt! Kinakabahan talaga ako pag kaharap ko siya. Feeling ko pinagpapawisan na ako ng malagkit. Yumuko ako para hindi niya mapansin na kinakabahan ako.
"Just relax, hindi naman ako nangangain or nangangagat," napaangat ako ng tingin sa sinabi niya. Kita ko ang pag ngisi niya. Napatitig tuloy ako sa labi niya na mapupula, masarap sigurong mahalikan mga labi niya? Napailing na lamang ako sa aking naiisip, nagiging mahalay na ako kapag kaharap ko si Bryson.
"Stop staring at me, it looks like you want to kiss me," natauhan naman ako sa sinabing niya na iyon. Para bang nabasa niya nilalaman ng isip ko. Masyado ba akong obvious? tanong ko sa sarili. Napahiya ako sa sinabi niya at feeling ko ay namumula ang aking mukha.
Tumikhim ako bago magsalita para maibsan ang hiya na aking nararamdaman
"Oorder ka po ba Sir? May nakapila na po kasi sa likuran niyo," nakanguso kong sabi sa kanya. Lumingon naman ito sa kanyang likuran at nakita niya ang dalawang babae na nakapila. Ibinalik nito ang tingin sa akin.
"Please give me one cold brew and one iced espresso," sabi niya sa akin, sabay abot ng card niya. Kinuha ko naman ang card at agad ko rin naman ibinalik sa kanya pagkatapos ko itong i-punch sa aking computer, upang mabayaran ang bill niya. Nang magawa na ang order niya, kinuha ko ito at iniabot sa kanya
"Here's you order Sir. Enjoy your coffee!" Nakangiti kong sabi. Gumanti naman siya ng tipid na ngiti. Umalis na siya sa harapan ko at bumalik na sa kanyang table.
Dumarami na ang customer dito sa coffee shop kaya naman hindi ko masyadong napapansin si Bryson. Kapag ganitong oras kasi ay maraming nagkakape at tumatambay sa coffee shop na ito. Bukod kasi sa nakakarelax tumambay dito ay talaga namang masarap ang kape. Tumingin ako sa table nila Bryson ngunit parang tapos na sila mag-meeting. Napasulyap ako sa wall clock at mag alas singko na pala. Ang tagal naman ng meeting nila, inabot ng halos dalawang oras.
Nakita ko ang pagtayo nilang dalawa at nag shake hands pa. Hawak na rin ni Bryson ang attache case niya at sabay na silang lumabas ng kanyang kausap.
Nakaramdam ako ng lungkot ng mawala na siya sa aking paningin. Hayss bukas ko na ulit siya makikita sa campus, sabi ko sa aking sarili. Ngunit nagulat ako ng biglang may iniabot na maliit na papel sa akin si Aljon ang kasama kong waiter.
"Ronoel para sayo daw sabi ni Sir, yung nakaupo sa table 5 kanina," turo niya sa table nila Bryson kanina. Napakunot noo naman ako sa sinabi niya. Si Bryson lang naman ang nakaupo dun kanina sa table 5 at yung ka-meeting nito na lalaki rin. Kinuha ko ito at ibinuklat upang mabasa ko ang nakasulat. Napangiti ako at kinilig sa aking nabasa.
"Your smile is the best way to start my day! Take Care!" Bryson.
may drawing na smiley
Gusto kong tumili at magtatatalon sa sobrang kilig.