TYRONIA'S POV
"Oh?" Walang gana kong tugon.
"Nasaan ka ba? Nandito kaya ako sa inyo, psh!"
Inipit ko sa pagitan ng balikat at tainga ko ang cellphone bago muling maghulog ng token para kuhanin ang stuff toy na gusto ko.
Mayamaya ay napapikit ako sa inis dahil nalaglag na naman iyon. Nagpakawala ako ng mabigat na hangin bago subukan ulit.
"Uy... Ano na?"
Kunot-noo kong inusod ang claw sa puwitan ng stuff toy at tumingin sa gilid para masigurong sasakto kapag bumaba siya.
"Saglit lang," mahinahon kong sabi.
Nang masiguro kong sakto na ay pinindot ko na ang button at hinintay na bumaba iyon.
"Hala siya... sasagutin mo lang ako kung nasaan ka! Walastek na iyan."
Lumaylay ang mga balikat ko ng malaglag na naman siya. Pa-simple ko pang sinipa ang machine at tiningnan ng masama ang stuff toy.
"Magpapahinga lang ako at babalikan ulit kita!" tiim-bagang kong sabi. Dinuro ko pa ang stuff toy bago umalis. Napakamot ako sa ulo dahil ilang beses ko ng tinangkang kuhanin iyon pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin makuha.
"Ha? Ano'ng sabi mo? Bakit ang layo ng sagot mo?"
Tumingin pa ako sa mga naglalaro bago maglakad palabas.
"Nandito ako sa mall."
"Oh... eh bakit hindi ka nagyayaya? Alam mo namang pupunta ako ngayon ah."
Nakangiwi akong naglakad papasok sa isang sikat na store at gumilid para tingnan ang menu.
"Nakalimutan kong pupunta ka pala," kaswal kong sagot. Nang makapili ay tinuro ko sa crew ang order ko at sumenyas na malaking size ang gusto ko.
"Aba't napakagaling mo talaga ano... pagdating talaga sa 'kin ay nakakalimot ka! Parang noong nakaraang linggo ay iniwan mo ako sa HQ! Kagabi naman ay nakalimutan mong kasama mo pala ako at iniwan sa WarPath! Mabuti at hindi mo nakalilimutang huminga ano, bes?"
Kumunot ang noo ko dahil ang dami na niyang sinabi. Nang ibigay sa 'kin ang order ko ay naglakad na ako palabas ng store at naghanap nang mauupuan.
"Tss, sesermunan mo lang ba ako?" Nakangiwi kong sabi.
"Kasi naman... may usapan tayo ngayon hindi ba? Manunuod tayo ng movie! Ang dami ko kayang dinalang pag—"
Bahagya akong napaigtad ng biglang kumidlat ng malakas at panandaliang lumiwanag ang paligid kasabay ng malakas na kulog. Kamuntikan ko pang mabitawan ang iniinom ko.
"Sige na, uuwi na ako mamaya."
"Aba't talaga naman! Hindi pa ako ta—"
Hindi ko na siya pinatapos at basta na lang pinatay ang cellphone at isinilid sa bulsa. Napagpasiyahan ko ring maglibot-libot muna rito sa mall dahil umulan nang malakas.
Nagpalipas lang ako ng oras sa game hall para subukang kuhanin ang gusto kong stuff toy. Pero naka-trentang token na ako ay hindi ko pa rin siya makuha-kuha. Hindi ko na rin alam kung ilang oras na akong nakatayo rito.
Sa huli ay sumuko na ako at inis na naglakad palabas. Sakto namang tumila na rin ang ulan. Naglakad ako papunta sa parking lot at kinuha ang pamunas sa compartment para punasan ang upuan ng motor pati na rin ang helmet.
Pagkatapos kong punasan ay agaran kong sinuot ang helmet at sumakay sa motor. Pinainit ko pa muna ang makina bago umalis. Napagdesisyunan ko ring tumambay muna sa paborito kong lugar dahil ayaw ko pang umuwi.
Walang gaanong sasakyan kaya binilisan ko ang pagpapatakbo. Doon ko napiling dumaan sa matubig na parte para sana malinis kahit papaano ang putik sa gulong ng motor ko. Nanlaki ang mga mata ko nang biglang bumukas ang pinto ng kotse sa 'di kalayuan at may lumabas na lalaki.
Agad akong nagpreno pero hindi agad napahinto dahil sa bilis ng patakbo ko kaya natalsikan ko siya ng tubig. Napasinghap ako at napamura dahil sa nangyari. Kulay puti pa man din ang suot-suot niyang uniporme. Nang mahinto ang motor ay kaagad akong lumingon sa kaniya. Nakatayo lang siya at nakapikit, alam kong nagpipigil siya ng galit.
Hinubad ko ang helmet at ipinatong iyon sa tanke, huminga pa muna ako nang malalim bago bumaba at lapitan siya.
"I'm sorry... bigla ka kasing lumabas," sinsero kong sabi habang kamot-kamot ang ulo. Kinuha ko pa ang panyo ko sa bulsa para punasan ang uniporme niya.
"Kasalanan ko pa?! Kasalanan ko pa?!"
Nagitla ako nang bigla siyang sumigaw. Napabuga ako ng hangin at kunot-noo siyang tiningnan.
"Look at me! Ang dumi-dumi ko na and it's all because of you!" Singhal niya habang tinitingnan ang sarili.
Alangang kasalanan ko? Siya itong biglang lumabas! Tss.
Inis akong tumingin sa tubig at nakapamaywang na binaling ang paningin sa kaharap ko.
"Kasalanan nito!" Singhal ko rin at tinuro ang tubig. "Kung wala siya riyan ay hindi ka matatalsikan, kaya sisihin mo ito!"
Pinanliitan ko pa siya ng mata bago hawakan ang uniporme niya at ilapit sa 'kin para mapunasan ko nang maayos.
"A-Ano ba! Huwag mo nga akong hawakan!"
Umawang ang labi ko nang tapikin niya ang kamay kong nakahawak sa uniporme niya.
"At talagang sinisi mo pa ang tubig?" Hindi makapaniwala niyang sabi at tinuro pa ang tubig sa daan.
"Kasalanan naman niya talaga eh!" agad kong tugon. "Pumarine ka at pupunasan kita," dagdag ko at muling hinila ang uniporme niya.
"Bitawan mo sabi ako eh!"
Nakamot ko ang sentido dahil sa inis. Tinapik na naman kasi niya ang kamay ko.
"Huwag mo siyang sinisisi kasi wala siyang kasalanan! Kasalanan mo kasi ang bilis mong magpatakbo!"
Napakurap ako ng duruin niya ako. Gusto kong kagatin ang hintuturo niya dahil sa inis pero hindi ko ginawa dahil baka lalong magkagulo. Lalong nangunot ang noo ko dahil may kamukha siya.
Tinitigan ko siya nang mabuti dahil inisip ko kung sino ba ang kamukha niya. Hindi siya ganoong kaputi, matangos ang ilong niya at kayumanggi ang kulay ng mga mata, mapula ang labi at mayroon siyang cleft chin. Mas matangkad siya sa 'kin nang kaunti at mabilis siyang makaagaw ng atensyon dahil gwapo itong kaharap ko.
Kanina ko pa nga napapansin na pinagtitinginan kami at rinig ko pa ang impit na kilig ng mga babae sa gilid namin. Hindi rin nakatakas sa 'kin ang mabango niyang amoy. Ito ang amoy na nakakahumaling at nakakaadik.
Tumikhim muna ako bago ko siya sagutin.
"Aksidente ang nangyari at hindi ko sinasadya!" Paliwanag ko habang pinupunasan ang braso niyang may putik.
"Ano ba! Lumayo ka sabi!"
Nahinto ako sa ginagawa nang umatras siya.
Napakaarte naman nito... nagmamagandang loob na nga! Mabuti nga at pinunasan ko pa siya, tss!
"Edi iyan! Punasan mo ang sarili mo, napakaarte mong... bading ka!" Pasigaw kong sabi bago ibato sa mukha niya ang panyo. Tiningnan ko pa siya ng masama bago ko siya talikuran.
"Ano'ng sa— hoy! Bumalik ka rito!"
Bumuga ako ng hangin nang marinig ko siyang sumigaw. Hindi ko na siya pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad.
Kanina ay pinapalayo mo ako, ngayon naman ay pinapabalik mo ako! Ang lakas ng sapak mo sa ulo!
Nahinto ako sa paglalakad nang may humawak sa braso ko, napaharap pa ako sa kaniya nang hatakin niya ang braso ko papunta sa kaniya. Inis ko siyang tiningnan at bakas ang galit sa mukha niya.
"Ano ba? Huwag mo nga akong hawakan!" Irita kong sabi.
Napabuga siya ng hangin at tiim-bagang na tumingin sa 'kin. "May sinabi na ba akong umalis ka? Hindi pa tayo tapos!"
Napapikit ako dahil sa lakas ng boses niya. Ramdam ko ring tumalsik ang laway niya sa mukha ko. Inihipan ko ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa mukha ko at dahan-dahang pinunasan ang pisngi kong natalsikan ng laway.
"At hindi ako bading!" pahabol niya.
Nagpakawala ako nang mabigat na hangin at nakapamaywang na tumingin sa kalsada.
"May sapak ba ang ulo mo ha? Kakasabi mo lang kanina na lumayo ako at nang lumayo naman ako ay ikaw naman itong lalapit-lapit sa 'kin! Bitaw!" Inis kong sabi. Tinapik ko pa nang malakas ang kamay niyang nakahawak sa braso ko.
Agad kong hinablot ang panyong hawak niya at gigil na pinunasan ang mukha niyang may putik.
"A-Ano! Ano ba! Masakit!" Reklamo niya at hinawakan ang kanang kamay ko.
"Hinaan mo nga ang boses mo! Ikaw na nga itong pinupunasan! Umayos ka nang matapos na at naririndi ako sa bunganga mo, para kang babae!"
Tinapik ko ulit ang kamay niya para mabitawan ang kanang kamay ko. Tumingin siya sa gilid at napabuga ng hangin saka sinuklayan ang buhok niya gamit ang kamay bago ako muling hinarap.
"Ikaw na nga ang may kasalanan... may gana ka pang singhalan ako!" Agad niyang rebat.
"Napakaarte mo kasi! Pinupunasan ka na nga... kung ayaw mo, edi punasan mo ang sarili mo, tss... bading!" bulyaw ko at binato ulit sa mukha niya ang panyo.
Kinuha ko ang wallet ko sa bulsa at kumuha ng isang libo. Pagkatapos ay hinawakan ko ang kamay niya at inis na nilagay doon ang pera.
"Ayan ang isang libo para pangbili mo ng bagong damit." Inis kong sabi bago siya talikuran. Naglakad ako papunta sa motor ko at agad na sinuot ang helmet bago sumakay sa motor.
"Hoy! Sinabi nang hindi ako bading! Hindi rin ako nagpapabayad! Bumalik ka rito!"
Hindi ko na siya pinansin at inis na tinadyakan ang kickstart saka humarurot na ng takbo. Sumakit ang ulo ko dahil sa lalaking iyon. Kulang na lang ay mabingi ako dahil sa lakas ng boses niya.
Nalagpasan ko na rin ang malaking bar at kasunod na nito ang talampas na pinupuntahan ko. Nang makarating ay ipinarada ko sa tabi ang motor. Hinubad ko ang helmet at naglakad papunta sa dulo.
Nagpakawala ako ng mabigat na hangin bago pagmasdan ang ulap at ang mga ibong lumilipad. Dinama ko ang hanging dumadampi sa balat ko, at sa muling pagpikit ay siyang pagbalik ng mga alaalang hindi ko malimutan.
Kailan ko nga ba ulit naramdaman ang gaan sa pakiramdam na kapag sasapit na ang umaga, titingin pa lang ako sa bintana ay ikaw na agad ang una kong makikita. Kapag hawak mo ang mga kamay ko ay parang ayaw mo na itong bitawan. Sa sobrang saya natin ay para bang ayaw mo nang matapos ang lahat. Nagsimula na akong umasa sa lahat at nangarap para sa ating dalawa.
Nagplano na rin ako ng kinabukasan natin pero sobrang lupit ng tadhana. Kahit pilit kitang hilahin palapit sa 'kin ay siya namang paghatak ni tadhana sa iyo palayo sa 'kin.
"Kumusta ka na?" Tanong ko habang nakatingin sa madilim na kalangitan. Nakagat ko ang pang-ibabang labi at hindi ko na napigilang humikbi.
"M-Miss na miss na kita."
Nanatili akong nakatingala at hinayaang tumulo ang mga luha.
"I wish I could go back in time to c-change things. I miss you, and the way things used to be," garagal kong sabi. "The worst part is knowing that those days are long gone and are now only distant memories."
Huminga ako nang malalim at pinunasan ang mga luha. Hindi ko na namalayan ang oras kaya naisipan ko nang umuwi. Alas-otso na ako nakauwi at naabutan ko pa si Naomi sa sala na nanunuod pa rin hanggang ngayon.
"Bakit ngayon ka lang?" tanong niya habang nasa tv pa rin ang paningin.
"Ngayon lang nakauwi eh," tugon ko habang hinuhubad ang jacket at isabit sa rack. "Bakit nandito ka pa?"
Agad naman siyang lumingon sa 'kin. "Parang ayaw mo talaga akong makita ah! Bawal na ba ako rito ha?!"
"Wala akong sinabi." Nakangiwi kong sabi. Kumuha pa muna ako nang pizza sa lamesa bago magtungo sa hardin.
Nang makarating sa hardin ay malamig na hangin kaagad ang sumalubong sa 'kin. Ito ang pinakagusto kong lugar sa mansyon dahil nakikita ko ang paborito kong bulaklak. Kinuha ko ang isang kaha ng sigarilyo sa bulsa ko at kumuha ng isa, pinakatitigan ko pa iyon bago ko sindihan.
"Bukas na pala ang umpisa ng klase mo, ano?"
Tumabi sa 'kin si Naomi at nagsindi rin ng sigarilyo. Hindi ako nagsalita at tanging pagtango lang ang itinugon ko. Natuto akong manigarilyo dahil kay Zach at gumaya naman sa 'kin si Naomi dahil gusto raw niyang subukan, hanggang sa makasanayan na niya.
"Mmm... m-may balita na ba?" nauutal kong tanong bago ibuga ang usok. Naging matunog pa ang buntong-hininga niya.
"H-Hindi pa rin daw nila matagpuan ang katawan niya."
Itutuloy...